Matagal-tagal ko na ring di nasakyan ang MRT. Galing Quezon Ave. station, bumaba ako sa Ayala. Hindi naman rush hour pero wala pa ring upuan. Tumayo ako sa favorite spot ko, yung may bilog na umiikot sa gitna ng cars, at kahit may vertigo ako ay naglalaro ako pag andun sa slight twisting and turning ng MRT flooring. Puro lalaki yung nakaupo sa harap ko. Hindi sila nag-o-offer ng upuan pero di rin makatingin sa akin. Naalala kong ganun nga pala ang sistema ngayon sa MRT, chivalry is dead. Sa Lingkod ko na lang nae-experience ang pagsilbihan ng mga brothers. Sa totoong buhay, kailangan kong tumayo sa sariling paa at mag-enjoy sa tanawin.
Maganda naman talaga ang EDSA mula sa bintana ng MRT. Tuwing makikita ko ang pila ng mga sasakyan sa EDSA, nagpapasalamat ako at hindi ako kasama sa mga driver na nangangalay sa first gear at nagkaka-back pain sa kabagalan ng traffic. Sarap din tumingin sa mga billboard at ma-update sa mga usong damit, inumin, credit card, kotse, vitamins, instant pancit canton, relo, boutique, etc. May mga puno pa rin pala sa Metro Manila, naisip ko, nung mapadaan kami sa may Crame.
Pagdating sa Shaw station, maraming bumaba. Eto pa ang isang unwritten rule sa MRT. Pag may bakanteng upuan, ibibigay sa babae. May isang mama tinawag ako para maupo dun sa nabakanteng upuan sa tapat niya. Hindi niya kinuha. Naalala ko na nga ang ganung sistema. Kaya nung mabakante yung katabi ko, tinawag ko yung babae three hand rests away para paupuin siya at di-neadma ko yung mga lalaki sa tapat ko. Nagbigay-daan naman sila dun sa miss. Pag nakaupo na sila, di sila tatayo. Pero pag pareho kayong nakatayo, tiyak papaupuin ka nila. Hiya na lang nila makipag-unahan. Pag dalawang babae, kung sino mas matanda siyang papaupuing una. Kung may dalaga at merong aleng may buhat na bata, siyempre papaupuin ang may bitbit na baby. Ganun ang hierarchy ng buhay MRT.
Nung nakaupo, wala na akong view ng EDSA. Nag-reminisce na lang ako ng MRT days ko nung 2001, nung nagtrabaho ako sandali sa malapit sa Greenbelt. Sobrang siksikan pag papasok sa umaga, sari-saring experience ang dinadanas ng commuters araw-araw. May mapapanuod kang mga yuppie na may high-tech toys tulad ng laptop, cellphone, mp3 player, at PDAs. May mga naka-corporate attire at siguradong ngawit na ngawit ang mga babaeng naka-high heels. Dati, wala pang escalator sa Q.Av station, naalala ko umiinit ulo ko kasi siksikan at singitan tuwing umaga sa maliit na elevator dun.
May isang time, sa sobrang dikit ko sa mga katabi ko, nakapagbasa ako ng diyaryo na binabasa nung mama sa harapan ko. Close kami eh.
Ang kawawa yung isang mama na katabi ko. Naka-white shirt siya, di ko malilimutan. Uso pa nun ang red lipstick, hindi tulad ngayon puro pink ang shade ng lipstick ko. Soobrang sikip kaya nung maraming nagbabaan sa Cubao station, naipit ako. Nung lumuwag na, napansin ko yung T-shirt ng mama. May kiss mark siya!!! Galing sakin. Oops. Pano kaya niya pinaliwanag yun sa mga nakakita. Di ko naman sinasadya.
Meron akong stored value card ngayon. Mukha pa ni Gloria kasi last week ko binili, pero nabubura na ang mukha dahil sa kagasgasan at kalumaan ng card. Sabi ng katulong namin, kanina raw nagsulputan ulit ang Erap cards sa MRT. Grabe naman yun, di pa man ay excited na sila.
Pero matibay ang MRT. Kahit sinong presidente andun siya, dadalhin ako mula sa Q.C. hanggang Makati, and beyond. Dati may kasama ako sumakay, ngayon mag-isa na lang. Noon hindi pa ako abogado pero naka-suit ako na may lining tuwing sasakay dun. Ngayon namang abogado na ako, T-shirt, maong at rubber shoes ang suot ko pag sumasakay. Ang pinakamagandang kaibahan, pink na lipstick ko palagi. Pag may nadikit ulit sa akin, hindi na halata ang mark. Walang ebidensiya. Haha.
1 comment:
natawa naman ako dun sa bumakat na marka ng lipstick sa mama na naka-white shirt. hahaha :)
unang beses akong nakasakay sa MRT yr 2000. outing yun ng NLTC. ang sosyal di ba.
takot ako pumwesto sa bilog na umiikot sa gitna ng mga cars. iniisip ko kasi kung sakaling magkaroon ng collision, e yun ang unang madidisgrasya. hehehe.
nasubukan mo na bang pumara sa MRT/LRT? hehehe
Post a Comment